Ang BEC Sa MGCP
Posted on 24. Sep, 2009 by angpari in BEC Project
Nuong Setyembre 13, Linggo, ay nagpulong ang core group ng BEC Advanced Training upang pag-usapan ang kalagayan ng BEC Project ng PREX. Nuong 1 Pebrero ng taong ito, ang PREX ay inilagay sa ilalim ng tuwirang pamamatnubay ng kura paroko. Kasama nito ay ang pagpapasa-ilalim ng katungkulan na bumuo ng mga BEC sa PREX Secretariat. Ito ay dala ng pagkakaunawa na ang PREX ang pinaka-natural na paraan upang magkaroon ang parokya ng mga “cell groups” na kung saan ang mga napagtapos sa PREX ay magpapatuloy sa kanilang pormasyon bilang mga aktibong kasapi nito. Mula nuong 1 Pebrero ay nagkaroon ng mga karagdagang programa ang PREX Secretariat upang magampanan ang katungkulan para sa pagbuo ng mga basic ecclesial communities (BEC). Ito ay ang BEC Training — Basic at Advanced.
Ang Basic Training ay ginaganap sa unang Sabado pagkatapos ng pagtatapos ng isang Parish Renewal Experience. Ang mga interesadong manilbihan bilang mga “cell leaders” ay dumadaan sa isang programa na kung saan ipinapaliwanag ng malaliman ang konsepto ng BEC at basikong pagsasanay sa mga gawain ng isang cell leader. Ang nagtatapos dito ay nagpapatuloy ng kanilang pagsasanay sa mga cell group na mula pa nuong 2005 ay unti-unti ng binuo. Sila rin ay tumatanggap ng mga karagdagang pagsasanay sa BEC Advanced Training.
Ang BEC Advanced Training naman ay para sa mga aktibong cell leaders. Ang mga pa-klase’t pagsasanay ay ginaganap sa parish hall tuwing Linggo mula ika-9 n.u. hanggang alas-12 ng hapon. Dalawang bahagi ang training na ito: ang unang bahagi ay para sa tuluyang pagbabasa ng mga Banal na Kasulatan; ang ikalawa’y mga specialized modules na mga kasapi din ang naghahanda para sa kanilang mga kasama. Ang diwa ng training na ito ay nakabase sa modelong iniwan ni San Agustin: ang sama-samang pagtuklas ng Katotohanan na kung saan ang bawa’t isa’y okasyon upang makaniig ng iba Siyang nagbibigay ng liwanag sa bawa’t tao (cf. Juan 1:).
Sa pulong ay napag-usapan ang mga sumusunod:
1. Ang mga cell group na ngayo’y umiiral na, ang kanilang mga ginagawa’t mga problemang hinaharap at kung paano nila tinutugunan ang mga ito;
2. Ang mga grupo na bagama’t hindi talaga maituturing na basic ecclesial communities na nagba-bible study na
3. Mga karagdagang katanungan tungkol sa konsepto ng Basic Ecclesial Communities
Ipinagdiinang muli na ang buhay ng <b>basic ecclesial community</b> ay hindi ang bible study kungdi ang <b>cell meeting</b> na kung saan pinakikinggan at pinagninilayan ang mga Banal na Kasulatan.
Isang mahalagang kakanyahan ng mga <b>basic ecclesial community</b> ay ang paghubog na ibinibigay nito sa mga kasapi tungo sa paninilbihan ng Iglesya. Ito ay isang kakanyahan na hindi matatagpuan sa isang bible study group. Ang Salita ng Diyos na napakinggan at napagnilayan ay tinutugunan sa paninilbihan.
Napag-usapan din na dahil ang BEC ay itinatatag sa isang “urban area” tulad ng ating mga subdivision dito sa baranggay San Vicente, magkakaroon ito ng kaibahan duon sa mga BEC na itinatag sa mga “rural area” na siyang orihinal na pinag-usbungan ng mga ito. Kung kaya naman may mga aspeto ang BEC Project ng parokya na “experimental” pa lamang.
Isa sa mga katanungang lumabas sa pulong ay ang tungkol sa maaaring gampanan ng mga organisasyon sa proyektong ito. Ang kasagutan ay nasa kalikasan ng bawa’t organisasyon: ito ay mga organisadong grupo na kung saan ang bawa’t kasapi ang binibigyan ng pagkakataong gampanan ang katungkulang natanggap sa binyag ayon sa karisma ng nasabing organisasyon. Ang diin ng mga grupong ito ay ang paggawa. Ang mga cell group naman ay mga grupo din na hindi gaanong organisado, walang sariling karisma tulad ng mga organisasyon, na ang mga kasapi’y isa lamang ang nais: ang maisabuhay ang Salita ng Diyos na napakinggan sa Eukaristiya. Ang mga organisasyon ay makakatulong sa pagdami ng BECs kung ang mga kasapi nila mismo ay bubuo ng mga cell groups. Magagawa nila ito hindi bilang kasapi ng ganito o ganuong organisasyon kungdi bilang mga kinakatawan ng kani-kanilang mga pamilya na nakatira sa isang lugar. Ang organisasyon na interesado sa gawain ng BEC ay maaaring magpadala ng mga kasaping gustong mag-cell leader sa Basic BEC Training. Ang hinihingi lamang ay dalawang bagay: 1. na nakapagtapos na sa PREX ang nasabing kandidato, at ikalawa, hindi siya liliban sa walong Sabado ng training.
Ang pulong ng core group ng PREX-BEC nuong ika-13 ng Setyembre ang unang pagpupulong tungkol sa kalagayan ng BEC sa parokya. Ang layunin ng BEC Project ay ito: isang cell group sa bawa’t kalye. Ito ang paraan kung paanong isinasakatuparan ng Mother of Good Counsel Parish ang misyon ng kalakhang Iglesya Katolika: ang pagpapalaganap ng paghahari ni Kristo.
